Ito Ay Kinakailangan Upang Makagawa Ng Matalinong Pasya Lalo Na Sa Mga Sitwasyong Moral.
Ito ay kinakailangan upang makagawa ng matalinong pasya lalo na sa mga sitwasyong moral.
Ang lahat ng tao ay humaharap sa mga kalagayang sangkot ang moralidad. Yamang ito ang mismo ang pamantayan para sa mga tao. Kaya naman, araw-araw ay nangangailangang magpasya ayon dito. Tunay na kailangan ng tao na maunawaan ang pamantayang moral na ito upang makagawa ng matalinong pasya. Ano ba ang pamantayang moral?
Ang pamantayang moral o moralidad ay ang kalipunan ng mga prinsipyo na nagpapaliwanag ng kabutihan at kasamaan. Ito ay inaasahang ikikilos ng mga tao. Ang ilan sa mga prinsipyo na ito ay may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos. Malaki din ang bahagi nito sa pagpapaunlad ng panloob na bahagi ng bawat indibidwal at sa kauganayan niya sa lipunan.
Talakayin natin sa maigsi ang bawat aspekto na ito. Sinasabi ng Bibliya, ang Salita ng Diyos, ang matataas na pamantayang moral na hindi nagbabago at nagbibigay ng mataas na uri ng pamumuhay.
Pamantayang Moral sa Pagsamba sa Diyos
Ipinakikita ng Bibliya ang ayaw at gusto ng Diyos sa kaniyang mananamba. Halimbawa, ang pagsamba sa kaniya ay may mga pamantayan gaya ng mababasa sa:
Exodo 20:3,5 Hindi ka dapat magkaroon ng ibang diyos maliban sa akin. "Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na katulad ng anumang nasa langit o nasa lupa o nasa tubig. Huwag kang yuyukod sa mga iyon o matutuksong maglingkod sa mga iyon, dahil akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon, nagpaparusa sa mga anak dahil sa kasalanan ng mga ama, hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin.- Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Ipinakikita nito na nagiging malinis sa moral ang isa kung sasambahin niya ang Maylikha sa pamamagitan ng espiritu. (Juan 4:24) Sa pamamagitan ng pamantayan na ito, magpapasya siya kung paano niya nais sambahin ang kaniyang Diyos nang may pagsang-ayon.
Pamantayang Moral sa Pakikipagkapuwa-tao
Maraming mga pamantayang moral na nauukol sa pansarili at siya ding inuugnay sa pakikitungo sa kaniyang kapuwa. Ang isa dito ay ang itinuro ng pinakatanyag na Guro, si Jesus.
Mateo 7:12 "Kaya lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila. Sa katunayan, ito ang pinakadiwa ng Kautusan at mga Propeta." - Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
Kung ang bawat tao ay kikilos kaayon dito, tiyak na mawawala ang krimen, kawalang-katarungan at anumang hidwaan na nagaganap sa laht ng uri ng tao, bayan, o lahi pa nga. Yamang itinuturi nito ang pagsasa-alang-alang ng kaniyang kapuwa kaayon sa kaniyang sariling pamantayan, tiyak na ang bawat isa ay makatatanggap ng ganoon ding tulong, suporta o pakikitungo mula sa iba. Walang sinuman ang magkukulang.
Kaya maitatanong ng isa, " Kung ako, ano ang gusto kong pagtrato ang ibigay sa akin sa ganitong kalagayan?" Sa pagsagot niyan, malalaman mo na kung ano ang dapat mong gawin sa iyong kapuwa.
Sulit ang Pagsunod
Sabi ng marami, ang moralidad ng tao ay nakadepende sa pagsunod sa sariling pananaw mo ng tama at mali. Pero tandaan, lumilitaw na ang pangunahing pangangailangan noon at siya pa ding hinahanap ng tao ngayon- kapayapaan at katiwasayan sa pisikal, emosyonal, materyal, mental at espirituwal. Nakakamit ito ng mga taong patuloy na sumusunod sa mga iyon.
Kaya mabuti sa isa na maunawaan ng higit ang kaniyang manuwal, ang Bibliya. Ito ang magbibigay sa kaniya ng mahuhusay na payo para sa pagpapasiya gaya ng sa karera, pag-aaswa, pakikipagkapuwa- tao at marami pang iba. Gaya ng iba, mas magiging maligaya ang isa ngayon pa lamang at sa hinaharap. Sulit talaga ang pagsunod!
Comments
Post a Comment